Charming smile, yan ang unang-unang napapansin kay Daboy. Matipuno. Mukhang mabango. Bagay ang red checkered polo. Bagay ang blue polo. Bagay lahat. Tisoy kasi. Pero hindi rin lingid sa kaalaman ng marami sa mga nakatrabaho niya't nakasalamuha na mabait din siyang tao.
Nakatrabaho ko si Daboy nuong nagsisimula pa lang ako sa showbiz. Hindi niya ako naging leading lady. Pero isa ako sa mga writers sa high-rating show niya noon na Kasangga. Ipinasok ako ni Jun Lana sa writing team ng Kasangga. Nakailang meeting na kami noon, at medyo matagal bago ko na-meet nang personal si Daboy. Hindi ako na-disappoint nang makita ko siya. Mukha nga siyang artista. Gwapo. Matangkad. Mestizo. At higit sa lahat, friendly. Lahat ng nasa team, mula kay Jun, hanggang sa mga writers at researchers, kinamayan niya. Taping yun ng spiels niya para sa Kasangga.
Sumunod ko siyang nakasalamuha, sa bahay niya. Gusto niyang i-meeting ang creative team. Kung tama ang pagkakaalala ko, pinakain niya lang kami noon. Ni walang naganap na meeting na pormal para sa show.
Dahil close na close at masaya ang team ng Kasangga noon, kahit hindi required, pumupunta kami sa taping. Kahit saang sulok pa yan ng PIlipinas. Full support din kami pag bumisita sa spiels taping ni Daboy. Sa isa sa mga pagbisita namin, tinawag ako't inakbayan ni Daboy. Pinagmalaki niya ako sa mga tao sa paligid. Sabi niya, "Eto'ng writer kong 'to. Batang-bata pa, magaling na magsulat. Paano pa paglaki niya!" Obviously, jino-joke niya ako sa height ko. Pero the way he said it, walang panlalait. Mas nakakasakit pa yung mga ibang taong pinupuri ka pero alam mong may masamang sasabihin pagtalikod mo.
Sumunod ko siyang nakasama, nilibre niya kami sa isang bar sa Tomas Morato. Nag-rate kasi ang episode na sinulat ko, yung tungkol sa isang Cannibal sa Iloilo. Unang pagkakataon noon na mag-hit kami ng rating na 15%. Sa panahong iyon, mataas na ang 15%. Kaya nanlibre si Daboy. Nagpakain, nagpainom. Syempre hindi ako uminom. Pero nag-enjoy ako sa piling ng buong staff at crew.
Nang pumunta kaming buong Kasangga team sa Cebu para mag-taping, nandoon din si Daboy. Kahit isa siyang artista at siya ang bida ng show, kung makihalubilo siya sa amin, para kaming mga kaibigan niya. At nang makita niya ako, inulit na naman niya yung joke niya tungkol sa pagiging manunulat ko kahit bata pa ako. Oo, nabenta na ang joke. Oo, hindi na siya nag-isip ng bagong joke, pero kebs ko. Kesa naman sa ibang mga artistang nakakwentuhan mo na sa taping, pero next time na magkita kayo hindi ka na nila kilala. O kaya papansinin ka lang pag nalaman nilang writer ka. O kaya tatabihan ka sabay segue na baka pwede silang ipasok sa show na sinusulatan mo. Hehe, kanya-kanyang style yan, eh.
Pero para sakin, gusto ko pa rin si Daboy. Totoong tao pa rin siya. May mga limitations man, may mga kapintasan man, pero wala akong natandaang pagkakataong na-oppress ako sa show niya. Kaya sa pagpanaw niya kamakailanlang, nalungkot ako. Okey, hindi ko aamining umiyak ako kasi sasabihin ninyo, ang OA ko. Kumpara sa bonding niya sa ibang tao, katrabaho, kaibigan, kakapiranggot lang ang memories ko kay Daboy. Pero muli, kebs ko ba. Blog ko ito. At gusto kong mag-pay tribute kay Daboy.
Kaya kay Daboy, masaya ako dahil alam kong tinanggap mo si God bilang Lord and Saviour mo nuong mga panahong nasa ospital ka (may reliable source kaya ako!). Kaya Daboy, enjoy ka diyan sa langit. At salamat sa kapiranggot na alaala!
3 comments:
silent fan ako ni daboy.at di man ako kasama sa mga nagpunta para masilayan ang remains nya, fan pa rin ako! natuwa akong basahin ang post mo about him sis
Hello Webmaster,
I am H. and interested in sponsoring your blog and I am contacting you to ask if
you are interested in blog post sponsorship. Please let me know if you have any further questions and if you are interested on this offer.
Yours truly,
H.
k5sino@bigstring.com
I have seen some of his movies and all great acting! Totoo talaga.
Your friends will be missing you.
Rest in Peace The BOY!!
Post a Comment